Bicol Express

Tinaguriang “Bicol Express” (bí·kol éks·pres) ang rutang Maynila-Bikol ng Philippine National Railways (PNR), isang kompanyang pag-mamay-ari ng pamahalaan.

Itinatag ang PNR noong 1875 bilang Ferrocaril de Manila-Dagupan at nagsimula sa rutang papunta ng Pangasinan.

Paglaon ay dinugtungan ang riles pahilaga ng linyang Maynila-Legaspi.

Naganap ang unang biyahe pa-Bikol noong 1931, at pitong taon ang lumipas bago naman nabuo ang daangbakal mula Dagupan hanggang Legaspi.

Sa loob ng ilang dekada, naging popular ito sa mga manlalakbay na pinili ang mas mura at mabilis na biyaheng tren kaysa mamahaling eroplano at mabagal na kotse.

Gayunman, mula dekada 70′ ay kinaharap ng Bicol Express ang sunod-sunod na hamon sa popularidad at kaligtasan nito: kagaya ng

  • pagpapaunlad sa bahaging Maynila-Bikol ng Maharlika Highway, 
  • paglago sa bilang ng mga air-conditioned na bus,
  • pagbaba sa presyo ng biyaheng eroplano, 
  • pagsabog ng bulkang Mayon noong 1993, at 
  • iba’t ibang bagyo at baha. 

Nagdulot ng malaking pinsala sa daangbakal ang mga bagyong Milenyo at Reming noong 2006, at tuluyang nahinto ang biyaheng Bikol ng PNR.

Pagkatapos ng ilang taon ng masugid na rehabilitasyon ng riles, binuksang muli ang Bicol Express noong 2011. Sa panahon ng pagkakasulat ng artikulong ito, araw-araw ang biyahe ng mga treng mulang Maynila patungong Naga sa Camarines Sur; hindi pa naibabalik ang serbisyong patungong Legaspi sa Albay. Ipinangalan din ang popular na maanghang pagkaing “Bicol Express” sa rutang ito.

Pinagmulan: Kermit Agbas

Mungkahing Basahin:
1. Malinis na palikuran ayon sa tamang pamantayan

Leave a Reply