Sino si Fernando Amorsolo?

Si Fernándo C. Amorsólo (30 Mayo 1892-24 Abril 1972) ang pinakaunang ginawaran ng karangalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1972.

Si Fernando Amorsolo ang pinakamaningning na kinatawan ng panahon ng klasiko sa sining biswal sa Filipinas.

Kinikilala rin siyang “Ang Maestro” at “Grand Old Man” ng sining sa Filipinas noong nabubuhay pa.

Ang malikhaing paggamit ng liwanag, sa partikular, ng backlighting, ang pinakamalaking kontribusyon ni Amorsolo sa pagpipinta sa Filipinas. Ang tingkad ng maningning na liwanag na nagmumula sa likuran ng kaniyang mga paksa ay nagtatampok sa isang bahagi ng kaniyang kanbas, sa mga dahon ng mga puno, tikwas ng buhok, ngiti sa mga labi, at umbok ng dibdib ng dalagang Filipina.

Masaklaw ang larangan ng mga obra ni Amorsolo—mula sa mga portrait ng mga kilala at mayayamang tao, larawan ng mga tanawin, hanggang sa dibuho sa mga pabalat ng libro at magasin.

Ngunit naging tatak ng likhang Amorsolo ang pagtatanghal ng mga payak, payapa at pang-araw-araw na buhay ng mga naninirahan sa lalawigan.

Ang dalagang Filipina sa kaniyang makukulay na baro’t saya na palagiang nakangiti habang ginagampanan ang tradisyonal na domestikong gawain; mga magsasaka sa gitna ng tanawin ng kasaganaan sa kabukiran; ang taumbayan sa kanilang pangkaraniwang gawain, kaugalian at tradisyon tulad ng pista, binyag, kasal, pagtatanim, paglalaba, pagluluto, pamamangka, o kahit pagbabasá.

Ang mataas na antas ng kasiningan ay napanatili niAmorosolo sa kabila ng dalas at dami nito. Ang mga pinturang oleo pa lamang niya ay tinatayang aabot na sa libo. Dahil sa mga tiyak na hagod ay mabilis na natatapos ni Amorsolo ang kaniyang mga likha.

Ang tatlong malalaking pintura niya para sa Philippine Pavillion na ginamit sa 1931 Paris Exposition ay natapos niya sa loob lamang ng isang buwan.

Ilan pa sa mga kilalang obra ni Amorsolo ay ang Maiden in a Stream, Dalagang Bukid,  Lavanderas, Family in a Banca, Tinikling, Harvest Scene at Barrio Fiesta.

Ang Rice Planting na ginawa ni Amorsolo noong 1922 ay naging pinakapopular na hulagway sa panahon ng Komonwelt. Lumikha rin siya ng mga obrang nagtatanghal sa kasaysayan ng Filipinas gaya ng Early Filipino State Wedding, Traders, Sikatuna, The First Mass in the Philippines, The Building of Intramuros at Burning of the Idol.

Si Fernando C. Amorsolo Isinilang noong 30 Mayo 1892 sa Calle Herran sa Paco, Maynila sa mag-asawang Pedro Amorsolo at Bonifacia Cueto.

Ang malaking bahagi ng kaniyang kabataan ay ipinamalagi niya sa Daet, Camarines Norte. Dito nag-ugat at nalinang ang pagkiling niya sa simpleng buhay sa lalawigan na naging malaking impluwensiya sa kaniyang mga obra.

Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas School of Fine Arts na pinagturuan din ng kaniyang tiyuhing pintor na si Fabian de la Rosa. Isa siya sa mga pinakaunang nagtapos doon at nagkamit pa ng maraming karangalan.

Lumikha ng mga obra ang pintor hanggang sa huling mga taon ng kaniyang buhay. Ngunit ang pagkakaroon ng katarata, diabetes, arthritis, at pagkamatay ng dalawang anak na lalaki na
lubha niyang dinamdam ay nagkaroon ng malaking epekto sa kaniyang trabaho. Namatay si Amorsolo sa sakit sa puso noong 24 Abril 1972.(RVR)

Pinagmulan: Kermit Agbas

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply