Kawayan

kawayan
Ang Kawayan (bambusa blumeana) ay alinman sa mga damong tropiko na animo’y punong-kahoy, matibay, karaniwang may bungkag na uhay, patulis na dahon, at namumulaklak pagkaraan ng mahabang taon ng pagtubo.

Maraming pakinabang ang kawayan. Dahil matibay, madalas itong gamitin sa konstruksiyon, halimbawa, ng Bahay-Kubo. Ginagamit din ito sa paggawa ng mga kasangkapan sa bahay gaya ng mesa, bangko, papag, aparador, at marami pang iba.

Ginagamit din ang kawayan sa paggawa ng papel. katunayan, noong 1860 ginamit ng Bataan Pulp and Paper Mills Inc. (BPPMI) ang kawayan sa paggawa ng de-kalidad na mga papel. Ang munting usbong ng kawayan naman ay kalimitang ginagawang atsara. May iba namang niluluto ito bilang gulay.

Mabilis lumaki ang kawayan. Ang paglaki at pagtubo ng kawayan ay depende sa makukuha nitong
tubig, sikat ng araw, nutrisyon at iba pang pangangailangan nito sa paglaki.

Ang karaniwang taas ng kawayan ay umaabot ng 15-40 talampakan, depende sa uri nito. Nabubuhay
ito sa maiiinit na lugar. Madalang lang kung mamulaklak ang halos lahat ng klase ng kawayan. Sa katunayan, marami sa mga ito ay namumulaklak lamang pagkaraan ng 65 hanggang 120 taon.

Sa Filipinas, ang kawayan ay malaking bahagi ng kultura dahil kaugnay ito ng iba’t ibang tradisyon, pagdiriwang, at paniniwala. Halimbawa, sa panitikan, ayon sa alamat, ang unang lalaki at unang babae ay nagmula sa isang pirasong kawayan. Sa sayaw, ang bantog na tinikling, singkil, at subli ay isinasayaw gamit ang kawayan. Sa Musika, ginagamit din ang kawayan sa paggawa ng iba’t ibang klase ng instrumentong pangmusika. Maging ang mga katutubong laro gaya ng luksong kawayan at palo-sebo ay gumagamit ng damong tropikong ito.

Ang kawayan ay tinatawag ding aonoo, dugian, kabugawan, marurugi, rugian, kawayan at kawayan totoo (Bikol), batakan, pawa at kaaono (Bisaya), baugin (Pampango), kawayan at kawayan-gid (Panay Bisaya), kawayan (Bontok at Cebu Bisaya), kawayan, kawayan-ng-bayog at kawayan-ng sitan (Iloko), kawayan at kawayan-tinik (Tagalog), kawayan-potog (Sambali), lamnuan (Isinai), at pasingan (Ibanag).

Pinagmulan ng Imahe: @DFAPH

Mungkahing Basahin: