Bangkaw

Si Bangkaw ay datu ng Limasawa at mga karatig na lugar sa Leyte na namuno ng isang pag-aalsang pampananampalataya laban sa mga Espanyol.

Bilang pinuno ng isla ng Limasawa, malugod niyang tinanggap ang pagdating noong 1565 ng kongkistador na si Miguel Lopez de Legaspi.

Isa siya sa mga unang katutubong Filipino na nagpabinyag sa Kristiyanismo. Bilang pagkilala sa kabutihang ipinakita ni Bangkaw, nakatanggap ang datu ng isang liham ng pasasalamat mula sa Hari ng Espanya, si Felipe II.

Noong 1622, pagkatapos ng lagpas kalahating siglo ng pagiging Kristiyano, itinakwil ni Bangkaw ang relihiyon at pinamunuan ang isang pagaaklas sa edad na humigit-kumulang 75 taon.

Dahil ipinagbawal ng mga misyonerong Espanyol ang katutubong pananampalataya, halos lahat, maging bata, babae at matanda, ay lumahok sa pag-aalsang ito.

Tinawag ng mga misyonero na demonyo ang mga diwata at bathala, at sinunog ang mga katutubong imahen. Winasak naman ni Bangkaw, ng kaniyang mga anak, at ni Pagali (isang babaylan na sinangguni ni Bangkaw tungkol sa pagbabangon) ang mga simbahang Katoliko at nagtayo ng sariling dambana para sa mga diwata.

Nasupil lamang ang pagbabangon nang magpadala ng isang hukbo mula Cebu ang mga Espanyol. Pinugutan ng ulo si Bangkaw at isang anak na lalaki, habang binitay din si Pagali.

Pinagmulan: NCCA official | Flickr

Mungkahing Basahin: