Bayani

Ang unang naiisip kung mabanggit ang bayani ay sina Jose Rizal at Andres Bonifacio. Batay sa kanila, ang bayani ay matapang, may matinding pagibig sa bayan, at nagbubuwis ng buhay para dito. Wari namang nagmula ang salitang “bayáni” sa “bayan.” Ang kahulugan at halaga ng bayani kung gayon ay mahigpit na nakaugnay sa bayan.

Ang kahulugan ng bayani na nakaugnay sa bayan ay nagbabago batay sa pangangailangan ng bayan sa isang tiyak na panahon. Sa sinaunang panahon, ang itinuturing na bayani ay mandirigma at pinuno. Mahusay siyang lider o timuay at magiting sa pagtatanggol ng kaniyang sakop.

Sa ilang pangkatin sa Mindanao, tinatawag siyang bagani. Sa panahon ng himagsikan noong 1896, ang bayani ay hindi na lamang tumutukoy sa matapang na pinuno. Bagkus itinuturing na bayani sa Katipunan kahit ang karaniwang anak ng bayan, ANB, na nagmamahal at handang mag-alay ng dugo at pawis para sa bayan.

Bunsod nito, ang bayani ay tumukoy na sa lahat ng uri ng tao na nakilahok sa Himagsikang 1896 maging babae man o lalaki, bata o matanda, ilustrado o mangmang. Sa panahong iyon, ang kabayanihan ay nakabukas para sa lahat na tumutugon sa pangangailangan ng bayan gamit man ay tabak o panulat.

Sa panahon ng kapayapaan, higit na kailangan ang mga bayani na maglilingkod sa bayan, lalo na sa serbisyo sibil, kahit maliit ang suweldo. Hinihingi ito ng panahon bunga ng nakubikong na halagahang pambansa mula sa pananakop ng mga Amerikano.

Bahagi ng nakubikong na kamalayan (warped consciousness) ang lubhang pagmamahal sa banyagang kultura at ang kaalinsabay na kawalan ng malasakit sa sarili. Bahagi rin nito ang lubhang pagsisikap para sa pansariling yaman, sukdang magnakaw at manloko ng ibang tao, at ang kaalinsabay na kawalan ng interes na makilahok sa gawaing pambayan.

Dahil sa ating “napinsalang kultura” (damaged culture), kailangan ang reoryentasyong pambansa. Kailangan, wika nga ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang sama-samang pagtahak sa Daang Matuwid laban sa korupsiyon.

Bunsod din ng mga bagong pangangailangan ng bayan, ang konsepto ng bayani ay nagkaroon ng bagong kahulugan (ito ay ang pagsasakripisyo.) Tumutukoy ito sa pagsasakripisyo para sa mga mahal sa buhay; gagawin ang lahat para sa ikabubuti at kapakanan ng pamilya.

Sinasalamin nito ang pagsasakripisyo na dinaranas at tinitiis ng mga Filipinong manggagawa sa ibang bansa. Bunga nito, ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay tinaguriang mga “bagong bayani” hindi lamang dahil sa mga tulong na naibibigay nila sa kani-kanilang pamilya kundi gayundin sa ating bayan sa pamamagitan ng pagbuhay nila sa ating ekonomiya dahil sa kanilang mga iniuuwi o ipinapadaláng salapi.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply