Bulanglang

Sa mga Tagalog, ang bulanglang ang pinakapayak na lutuing gulay. Nangangahulugan lamang ito ng paglalaga ng sari-sari’t anumang gulay na maaaring iluto.

Bukod sa malinamnam ang mainit na sabaw ay taglay nito ang lahat ng sustansiya mula sa halamanan ng pamilyang magsasaka. Karaniwang nakatampok sa palayok ng bulanglang ang kangkong, sítaw, bataw, patanì, sigarílyas, kalabasa, okra, upo, patola.

Kahawig na kahawig ito ng laswa ng mga Ilonggo. Kauri din ng bulanglang ang dinengdeng kung hindi ito tinitimplahan ng bagoong at luya ng mga Ilokano.

Paboritong agahan ang bulanglang, laswa, at dinengdeng ng mga magsasaka at nais humigop ng mainit na sabaw bago magtrabaho sa bukid.

Sa mga Kapampangan, ang bulanglang ay sinigang sa bayabas. Nakasahog pa rin ang mga nabanggit na gulay, na maaaring dinadagdagan ng gabe o mustasa, tinatampukan ng hipon, isda, o karne, at pinaaasim sa hinog na bunga ng bayabas. Isang espesyal na putahe ito kung Linggo at nagtitipon ang pamilya sa Pampanga.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply