Bulkang Hibok-Hibok

https://pilipinas.bid/2021/05/usok-mo-kamatayan-ko.htmlAktibong bulkan sa pulo ng Camiguin ang Bulkang Híbok-Híbok na may taas na 1,332 metro at paanan na 1,000 metro ang diyametro. Kilala rin ito sa tawag na Catarman. Isa ang bulkang ito sa mga aktibong bulkan sa Filipinas at bahagi ng “Pacific Ring of Fire.”

Mayroon itong anim na bukal na naglalabas ng mainit na tubig, ang

  1. Ardent, 
  2. Tangob, 
  3. Bugong, 
  4. Tagdo, 
  5. Naasag, at 
  6. Kiyab.

May tatlo rin itong bunganga na pinagmulan ng mga nakaraang pagsabog, ang

  1. Kanangkaan (1948), 
  2. Itum (1949), at 
  3. Ilihan Crater (1950).

Dahil rin sa mga nakaraang pagsabog nito, nabuo ang Mt. Vulcan na nasa hilagang kanluran ng HibokHibok; ang Mt. Mambajao na nasa gitna ng Camiguin at kasalukuyang namiminahan ng asupre; ang Mt. Ginsiliban na nása pinakatimog na bahagi ng Camiguin; at Mt. Uhay na nása hilaga ng Mt. Ginsiliban. Nabuo rin ang Campana Hill, Minokol Hill, Tres Marias Hill, Mt. Carling, Mt. Tibane, at Piyakong Hill.

Unang pumutok ang Bulkang Hibok-Hibok noong 1827 at nasundan noong 1862. Parehong nagdulot ng malaking pinsala sa mga taniman ang mga pagsabog na ito.

Noong Enero 1871, ang mga lindol at pagyanig sa ilalim ng bulkan na tumagal hanggang Abril ay sinundan ng pagbuga ng mga bato at abo na sumira sa kalupaan at mga plantasyon sa dulong hilaga ng Camiguin. Sa pagsabog na ito nabuo ang isa sa mga simboryo ng bulkan na tinawag na Vulcan at umabot ang taas nito sa 457 metro.

Ang kasalukuyang simboryo ng bulkan ay nagbuga ng maputing usok ng asupre na sumisira sa mga pananim sa lugar. Tumagal ang ganitong aktibidad ng bulkan hanggang 1902 at naulit ang ganitong pagbuga ng asupre noong 1948 na nagresulta sa pagkakaroon ng panibagong butas sa bulkan.

Nang sumabog ito noong 4 Disyembre 1951, may 500 katao ang namatay, nasunog ang maraming bahay, at maraming nasirang pananim. Dahil sa pagiging aktibo, maraming naninirahan sa paligid nito ang lumipat sa ibang kalapit na pulo.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply