Cesar Fernando Basa: Piloto at Bayani

Si Cesar Fernando Basa (Sé·sar Fer·nan·dó Bá·sa) ay isang piloto at bayani ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Isinilang siya noong 21 Hunyo 1915 sa Isabela, Negros Occidental kina Fernando Basa at Rosario Tianko. Una siyang nag-aral sa kanilang bayan.

Nang lumipat ang pamilya sa Maynila ay nag-aral siya sa Ateneo de Manila bilang kimiko, at nakapagtapos nang may karangalan noong 1939.

Itinuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Philippine Army bilang piloto, at nakapagtapos noong 1940. Agad siyang naging second lieutenant.

Noong Oktubre 1941, nadestino siya sa Batangas sa ilalim ni Capt. Jesus Villamor. Binobomba ng puwersang Hapones ang mga base noon. Inatake ng 54 Hapones ang base sa Batangas noong 12 Disyembre 1941. Ang 6 Pursuit Squadron ang lumipad upang ipagtanggol ito.

Pabalik noon si Basa mula sa isang pagpapatrulya, na may kargang gas na tatagal na lamang nang 15 minuto. Nakíta niya ang dehadong sitwasyon ng kaniyang kasamahan kaya lumipad siya patungo sa kanila. Agad siyang napalibutan ng pitong eroplano ng kalaban at napabagsak.

Pinarangalan ang kaniyang kabayanihan ng Gold Cross Medal at pinuri ni Hen. Douglas MacArthur, ang kumander ng USAFE. Ang Basa Airbase sa Floridablanca, Pampanga ay ipinangalan sa kaniya. Noong 1947, naglabas ng selyo na nagpupugay sa kaniyang kabayanihan.

Piangmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply