Felix Galura: Ama ng Balarilang Kapampangan

Felix Galura: Ama ng Balarilang Kapampangan
Si Felix Galura ay isang kalahok sa Himagsikang Filipino at isang bantog na manunulat sa Pampanga.

Isa siya sa mga pinakamahusay na produkto ng panitikang Kapampangan. Kilala siya bilang isa sa mga pangunahing mandudula ng Gitnang Luzon at “Ama ng Balarilang Kapampangan.”

Isinilang siya noong 21 Pebrero 1866 sa Bacolor, Pampanga.

Noong 4 Hunyo 1898, sa Escuela de Artes y Oficios de Bacolor, pinamunuan niya kasama sina Paulino Lirag at Alvaro Panopio ang Voluntarios Locales de Bacolor laban sa pamahalaang kolonyal.

Sinunog nila ang kapitolyo ng lalawigan, ang Casa Real, at pinaslang ang mga Espanyol, kazadores at taga-Macabebe na panig sa mga mananakop. Pinakawalan din nila ang mga bilanggo.

Itinuturing ito na “Unang Sigaw ng Himagsikan sa Pampanga,” at maaaring siyang batayan ng pinakamahusay na dula ng Kapampangang mandudula na si Mariano Proceso Byron, ang “Apat Ya Ing Junio.”

Bilang manunulat, ginamit niya ang sagisag-panulat na ”Flauxgialer.” Si Galura ang isa sa tatlong pangunahing dramatista ng Bacolor; kasama niya sina Byron at Juan Crisostomo Soto (kilala bilang ”Crissot”).

Pinasimulan nila, kasama ang iba pang tanyag na Kapampangang manunulat tulad ni Aurelio Tolentino, ang itinuturing na ”Gintong Panahon ng Panitikang Kapampangan.” Bago sa tatlo, ang mga dulang itinatanghal sa Pampanga ay mga moro-moro at komedya na walang musika at awit.

Noong 1900, pinasimulan ng tatlo ang Kapampangang sarsuwela, at daan-daan ang itinanghal sa sumunod na tatlong dekada. Maituturing na pusod nito ang Teatro Sabina, isa sa pangunahing tanghalan noon sa lalawigan, at nakalagay ang pangalan ni Galura sa arko ng proscenium nito bilang pagkilala sa kaniyang mga ambag.

Noong 1906, sumulat siya ng isang nobenang dasal, ang “Pamagsiam King Ikarangal Ning Ginu Tang Virgin Karin Lourdes.”

Noong 1915, sinulat niya ang “Ing Kabiguan” (Ang Kabiguan) na tungkol sa isang pag-aaklas laban sa mga Espanyol. Itinatag niya ang Ing Alipatpat, isang lingguhang publikasyon sa Pampanga.

Noong 1916, sumulat siya ng aklat tungkol sa balarila, ang Sanayan o Malaguang Pipagaralan qng Amanung Castila Agpang qng Gramatica (Mga Pagsasanay sa Madaling Paraan ng Pag-aaral ng Wikang Español Gamit ang Balarila). Dahil sa akdang ito, kinikilala siyá bilang “Ama ng Kapampangang Balarila.”

Ilan sa iba pa niyang obra ay ang Ing Babaying Panguingera (Ang Babaeng Pangginggera), Ing Mora (Ang Babaeng Muslim), at Ing Singsing a Bacal (Bakal na Singsing), isang pagsasaling ginawa kasama si Soto. Pumanaw siyá noong 21 Hulyo 1919.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: