Joaquin Gonzales

Isinilang si Joaquin Gonzalez (Hwa·kín Gon·zá·lez) noong 22 Hulyo 1853 sa Baliuag, Bulacan kina Fausto Gonzalez, anak ng isang opisyal na Espanyol, at Maria Amparo Angeles, isa ring anak mayaman.

Mahusay na doctor at rektor ng Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas, ang unang pamantasan ng estado sa Filipinas, si Joaquin.

Pagkatapos ng batsilyer sa Colegio de San Juan de Letran noong 1872, nag-aral siya ng medisina sa Espanya. Nakuha niya ang lisensiya sa Universidad de Valladolid at ang doktorado sa Universidad Central de Madrid.

Naglakbay siya sa Europa bago umuwi at nagbukas ng klinika sa Binondo, Maynila at sa Baliuag. Sa edad na 30 taon, pinakasalan niya si Florencia Sioco, anak nina Jose Sioco ng Bocaue, Bulacan at Matea Rodriguez ng Bacolor, Pampanga. Hindi nagtagal, lumipat silang magasawa sa Sulipan, Apalit, Pampanga at naging huwes doon noong 1896.

Nang itatag ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas noong 19 Oktubre 1898, hinirang siya ni Pangulong Aguinaldo na rektor nito. Nagturo din siya sa unibersidad ng medisinang legal.

Sa Kongresong Malolos, nahalal siyang isa sa dalawang delegado ng Pampanga. Kung tutuusin, pinalitan ang Universidad Cientifico-Literaria de Filipinas noong 1908 ng University of the Philippines bilang pamantasan ng estado.

Naging ikaanim na pangulo ng UP ang anak niyang si Bienvenido at naging rehente nito ang apo niyang si Gonzalo.

Sa ilalim ng mga Amerikano, hinirang siyang tagapangulo ng lupon sa serbisyo sibil kasama ang dalawang Amerikano. Ngunit hindi siya nakapaglingkod dahil sa biglang pagkamatay sa apendisitis noong 21 Setyembre 1900. Isang marker ang itinayo ng National Historical Institute para sa kaniyang alaala sa Baliuag.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply