Jose Torres Bugallon: Bayani ng Labanan sa La Loma

Si Jose Torres Bugallon (Ho·sé Tó·res Bu·gal·yón) ) ay magiting na pinuno sa hukbo ng Himagsikang Filipino at kilala bilang “Bayani ng Labanan sa La Loma” laban sa mga Amerikano noong 1899.

Isinilang siya noong 28 Agosto 1873 sa Salasa, Pangasinan kay Jose Asas Bugallon at sa inang mula sa angkan ng mga Gonzales na kilala noon sa lalawigan. Nag-aral siya ng elementarya sa Salasa at unang bahagi ng hayiskul sa San Isidro, Nueva Ecija.

Nagtapos siya ng hay-iskul at nagkamit ng Batsilyer sa Arte noong 1888 sa Colegio de San Juan de Letran. Nagaral siya sa Seminaryo ng San Carlos upang maging isang pari, ngunit naudlot ang hangaring ito nang nakapasa siya sa isang pagsusulit at naging pensiyonado ng pamahalaang Espanyol sa Academia Militar de Toledo sa Espanya noong 1892. Ginugol niya ang susunod na tatlong taon sa pagaaral ng estratehiya at organisasyong militar.

Pagbalik sa Filipinas, binigyan si Bugallon ng ranggong tenyente sa sandatahang Espanyol. Noong 1897, pagkatapos magpakita ng gilas sa isang labanan sa Talisay, Batangas, itinaas ang kaniyang ranggo bilang kapitan at ginawaran ng mga medalya. Naging ordinaryong mamamayan si Bugallon pagkatapos ng Himagsikan, ngunit pagsiklab ng Digmaang Filipino-Amerikano, sumanib siya sa hukbo ni Heneral Antonio Luna, na noon ay nangangailangan ng mga tagapagsanay sa kaniyang mga sundalo.

Noong 5 Pebrero 1899, ipinagtanggol ni Bugallon at iba pang mga sundalong Filipino ang La Loma sa Maynila laban sa mga lumulusob na Amerikano sa pamumuno ni Heneral Arthur MacArthur Jr. Tinamaan siya ng bala sa hita. Nang ipinaalam ang sinapit ni Bugallon kay Heneral Luna, sinikap nito na mailigtas siya, diumano dahil ”ang kaniyang buhay ay katumbas ng 500 sundalong Filipino.”

Inilíkas si Bugallon patungong Kalookan upang mabigyan ng paunang lunas at isinakay sa tren patungong ospital sa Malolos, Bulacan. Bilang parangal sa kaniyang ipinakitang tapang at kabayanihan, itinaas ni Heneral Luna ang kaniyang ranggo sa Tenyente Koronel.

Sa kalagitnaan ng paglalakbay ay binawian siya ng buhay habang nasa bisig ng heneral. Inilagak ang kaniyang mga labí sa Simbahan ng Sampalok sa Maynila. Noong 1921, ipinangalan sa kaniya ang kinalakhang bayan ng Salasa, Pangasinan.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply