Simbahang San Sebastian

Ang Basilica Minore de San Sebastian, mas kilala bilang Simbahang San Sebastian, ay isang basilika ng Simbahang Romano Katoliko na matatagpuan sa Plaza del Carmen, Quiapo, Lungsod Maynila.

Tanyag ito bilang nag-iisang simbahang gawa sa bakal sa buong Asia, at bilang nag-iisang Neo-Gotikong simbahang bakal sa bansa at sa Asia. Ito ang luklukan ng Parokya ng San Sebastian at ng Pambansang Dambana ng Ating Ina ng Bundok ng Carmelo.

Pinagsama ng arkitektong Espanyol na si Genaro Palacios ang mga estilong Neo-Gotiko at Earthquake Baroque sa paglikha ng disenyo ng simbahan. Ginawa at inangkat ang bakal na ginamit sa pagpapatayo ng basilika mula sa Belhika.

Sinimulang itayo ang simbahan noong 1888 at binasbasan ng Arsobispo ng Maynila noong 1891. Tampok sa mga bakal na haligi, dingding, at kisame ng simbahan ang pinta ni Lorenzo Rocha at kaniyang mga mag-aaral; ang mga kumpesyonal, pulpito, altar, at limang retablo ay idinisenyo ni Lorenzo Guerrero; at ang mga estatwa ng mga banal na tao ay lilok ni Eusebio Garcia.

Noong 1973, ipinahayag ang San Sebastian Church bilang isang Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark). Noong 2006, isinama ng UNESCO ang simbahan sa tentatibong talaan ng mga posibleng World Heritage Site.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: