Sino si Lazaro Francisco?

Si Lazaro Francisco (La·za·ró Fran·sís·ko) ay isang bantog na nobelista ng ika-20 siglo.

Siya ang tagapagtatag ng Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA). Pinarangalan siya ng Republic Cultural Heritage Award for Literature noong 1970 at nominadong maging Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan noong 2009.

Isinilang siya noong 22 Pebrero 1898 sa Orani, Bataan kina Eulogio Francisco at Clara Angeles. Dahil mahirap, kinailangan niyang tumigil sa hay-iskul. Sinubok ng pamilya ang kanilang kapalaran sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Nag-aral siya sa Central Luzon Agricultural School. Kumuha siya ng kurso sa Ingles at bookkeeping. Nang mamatay ang kaniyang ama noong 1928, siya na ang naging tapagtaguyod ng pamilya. Naging trabahador at kalaunan ay naging klerk sa provincial treasurer’s office.

Nang maipasa ang civil service examinations, naging provincial assessor siya hanggang 1963. Noong 1958, itinatag niya ang Kapatiran ng mga Alagad ng Wikang Pilipino (KAWIKA), isang samahang naglalayon ng pagpapaunlad ng wikang Filipino.

Nakasulat siya ng 12 nobela, 7 maikling kuwento, at isang sanaysay na nalathala sa mga popular na babasahing gaya ng Liwayway.

Ang kaniyang unang nobeleta, Binhi at Bunga noong 1925, at ang nobeletang Cesar noong 1926 na nailathala sa Liwayway at ang kaniyang maikling kuwentong Deo noong 1926 na lumabas naman sa Bulaklak ay nagkamit ng mga karangalan.

Noong 1927, ang kaniyang Ama ay nailathala. Ang naturang nobela ay tungkol sa ugnayang kasama sa bansa at itinuturing ngayong isa sa mahahalagang nobelang Tagalog. Ginawa itong dula ng Samahang Zarzuela Gabriel at ginawa ring pelikula ng Philippine Films.

Mula 1927 hanggang 1938, naisulat niya ang apat na nobela: Sa Paanan ng Krus (1933), Pamana ng Pulubi (1935-1936), Bago Lumubog ang Araw (19371938), at Singsing na Pangkasal (1939-1940).

Tulad ng Ama, ang mga ito ay isinalin sa iba’t ibang wika ng bansa at ginawan ng dula at pelikula, maliban sa Bago Lumubog ang Araw, na isinapelikula lamang.

Ilan pa sa mga nobela niya ay Ilaw sa Hilaga (1946-1947), Bayang Nagpapatiwakal, Sugat ng Alaala (1950-1951), Maganda Pa ang Daigdig, at Daluyong.

Nakatanggap siya ng gintong medalya mula sa Ilaw at Panitik para sa kaniyang Sa Paanan ng Krus, pinakamataas na karangalan para sa nobela para sa kaniyang Singsing na Pangkasal sa Commonwealth Literary Awards noong 1940, Ilaw sa Hilaga bilang pinakamahusay na nobela sa unang limang taón ng Republika mula 1947-1950 mula sa Kapisanang Panitik ng Kababaihan, gintong medalya para sa kaniyang Sugat ng Alaala mula sa Kalipunang Pambansa ng mga Alagad ng Sining noong 1951, Balagtas Award noong 1969, Republic Cultural Heritage Award noong 1970, at Patnubay ng Sining at Kalinangan Award mula sa Lungsod ng Maynila noong 1975.

Yumao siya noong 17 Hunyo 1980.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply