Adelpa

Ano ang delpa?

Ang adelpa (Nerium oleander) o oleander ay palumpong na tumataas nang 1-3 m, balahibuhin ang hugis sibat na dahon, at may dilaw, putî, o puláng bulaklak.

Isa ito sa mga nakalalasong halamang ornamental. Matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng mundo at hindi pa natutukoy ang tiyak na pinagmulan. Dinala ito ng mga Espanyol sa Filipinas at ngayon ay itinatanim na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa kaniyang Mga Pagsusuri sa mga Halaman (ca 300 BCE), inilarawan ni Theophrastus ang isang palumpong na nakaaapekto sa isipan at tinawag itong onotheras. Sinasabing ang ang alak na may halo ng ugat nitó ay nakapagpapahinahon at nakapagpapasayá.

Ang adelpa ay itinuturing na opisyal na bulaklak ng Hiroshima dahil ito ang unang namulaklak matapos ang pagsabog ng bomba atomika noong 1945 sa naturang siyudad.

Itinuturing na nakalalason ang adelpa dahil nagtataglay ito ng cardiac glycosides na nagiging lason kapag naparami ang konsumo ng mga mammal tulad ng aso at tao. Bagaman mayroon itong nakalalasong katangian, wala namang naiuulat na pagkalason o pagkamatay mula sa pagdikit sa mismong halaman hanggang sa paggamit ng mga pamahid sa balát mula dito.

Pinaniniwalaang nakapagpapagaling ito ng hika, buni, ketong, herpes, eksema, almoranas, kagat ng ahas, malarya, at sakit sa puso at puson. Sa ilang pagkakataon, ginagamit din ito sa pagpapatiwakal at pagpapalaglag.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: