Ang unang pangulo ng la solidaridad

Sino ang unang pangulo ng la solidaridad?

Si Galicano Apacible (Ga·li·ká·no A·pa·síb·le) ay isa sa mga tagapagtatag ng La Solidaridad at naging unang pangulo nito.

Naging politiko siya at kasapi ng Partido Nacionalista sa panahon ng pamahalaang kolonyal ng Amerika. Naging gobernador siya sa Batangas at naging representante ng unang distrito ng Batangas.

Isinulat niya ang To the American People, an Appeal, isang pangangatwiran sa mga mamamayan at pamahalaan ng Estados Unidos na huwag alisan ng kasarinlan ang Filipinas.

Isinilang sa Balayan, Batangas noong 25 Hunyo 1864, si Kanoy ang bunso sa tatlong anak nina Don Vicente Apacible at Catalina Castillo.

Walong taon siya nang matapos ang elementarya. Itinuloy niya ang pag-aaral sa Maynila, una sa pribadong eskuwelahan ni Benedicto Luna at pagkatapos ay pumasok sa Colegio de San Juan de Letran.

Kasama ng nakatatandang kapatid na si Leon at ang pinsang si Jose Rizal, nanirahan sila sa isang paupahan sa 15 Kalye Anda sa Intramuros.

Nag-aral siya sa Unibersidad de Santo Tomas ng medisina. Nakagalit niya ang isang paring Dominiko doon kaya nagpasiya siyang ipagpatuloy ang pag-aaral sa Europa. Natapos niya ang kaniyang Bachiller en Artes sa Instituto del Tarragona at ang kaniyang Licenciado sa medisina at pagtistis sa Universidad de Barcelona noong Nobyembre 1889. Itinuloy niya ang kaniyang doktorado sa medisina sa Universidad Central de Madrid. Naging aktibo siyá sa mga kilusang politikal sa Espanya.

Nang magbalik sa Filipinas noong 1892, nalaman niyang ipinatapon ang kapatid niyang si Leon sa Lepanto habang si Rizal ay sa Dapitan.

Pinagsospetsahan siya ng pamahalaan dahil sa pagiging aktibo sa mga kilusang politikal sa Espanya at gayundin sa pagiging Mason. Nagpunta siya sa Hong Kong kasama ang pamilya ni Rizal upang makaiwas sa pagdakip.

Sa Hong Kong, naging tagapayo siya ng Alto Consejo de los Revolucionarios at naging tagapamahala ng Comite Central Filipino.

Noong 1899, ipinadala siya sa Estados Unidos kasama si Rafael del Pan bilang kinatawan ng pamahalaang Rebolusyonaryo ng Filipinas upang makipag-usap sa pamahalaang Amerikano.

Noong 1903, nagbalik siya sa Manila at nagsimulang manggamot. Nagtrabaho siya sa San Lazaro Hospital 1906-1907. Nagsimula rin ang kaniyang karera bilang politiko. Naging gobernador ng Batangas noong 1907, representante ng unang distrito ng Batangas 1909-1912, bise presidente ng Partido Nacionalista, at unang kalihim na Filipino ng departamento ng agrikultura sa ilalim ng pamahalaang kolonyal ng Amerika na iniwan din niya dahil sa karamdaman.

Naaksidente siya noong 1944 at nabulag noong 1947. Namatay siya noong 2 Marso 1949 at inilibing sa La Loma Cemetery sa Manila.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply