Anis

Ano ang anis?

Ang anis (Pimpinellaanisum, Glycyrrhizaglabra) ay isang lubigan o herb na may makinis na balat at tuwid na katawan. Marami itong sanga at matabang mga ugat. Lumalaki ito ng tatlong talampakaan.

Ang mga lungtiang dahon ng anis ay maninipis at umaabot ng pitong pulgada ang haba na nagsasangay din ng mas maninipis pa ngunit mas maiikling mga dahon. Ang bulaklak nito ay maliit, kulay dilaw o puti, at kumpol-kumpol na humahaba kung ito ay nagbunga na.

Mabango ang bunga ng anis kahit magulugod ang mga ito. Hugis ipa ng palay ang buto nito ngunit mas maliit ang sukat.

Pinaniniwalaang nagmula sa Meditereneo ang anis. Akma ito sa mga bansang may mainit na klima.

Mayaman ang kasaysayan ng mundo na nagpapatunay na maraming gamit ang anis. Mabisa ito sa panggagamot at ginagamit din ito sa pagluluto at iba pa.

Lahat ng parte ng halamang-gamot na ito ay may pakinabang. Bukod sa pampalasa sa mga pagkain, ang talbos, bunga, at buto ang anis, pamparami pa raw ito ng gatas ng ina at nakakaparegular ng regla.

Nakakatulong sa paghinga ang mga talbos nito samantalang ang ugat naman ay mainam na gamiting pampurga. Ang bungang anis ay mabisa ring carminative o nakakapagpalabas ng hangin mula sa bituka at sikmura.

Naitataboy ng amoy ng anis ang mga insekto, naiibsan nito ang lagnat at sakit ng ngipin. Nalulunasan din nito ang mabahong hininga.

Mayaman sa anti-oxidants ang anis. Pinaniniwalaang natural na pampalit ito sa mga kemikal na non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID), expectorant, diuretic at antidepressant.

Sa India, ginagamit din ang anis na lunas sa mga sexually transmitted diseases. Nakukuhanan din ng lana ang anis na ginagamit sa aromatherapy o pangmasahe. Maaari rin itong ipahid sa mga bitag ng daga bilang pampain upang makasilo.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: