Apolinario Mabini

Apolinario Mabini: Dakilang Lumpo

Madalas bansagan si Apolinario Mabini (A·po·li·nár·yo Ma·bí·ni) bilang “Utak ng Himagsikang Filipino” at “Dakilang Lumpo” dahil sa kaniyang mga akda at naging mahalagang tungkulin noong panahon ng Himagsikang Filipino.

Isinilang siyá noong 23 Hulyo 1864 sa Talaga, Tanauan, Batangas. Ikalawa siyá sa walong anak nina Inocencio Mabini, isang maralita, at Dionisia Maranan, isang tindera sa palengke.

Namasukan siyá bago natanggap na iskolar sa Colegio de San Juan de Letran noong 1881 at nakapagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1894. Sumapi siyá sa La Liga Filipina at naging aktibo sa Kilusang Propaganda.

Nang itatag ang Katipunan, hindi siya sumali dito. Nagkasakit siyá at naging lumpo makaraan ang dalawang taon. Sa pagsiklab ng Himagsikang 1896, pinaghinalaan siyáng Katipunero ng mga Espanyol at dinakip. Dahil maysakit, hindi siyá ibinilanggo kundi ipinadala sa ospital ng San Juan de Dios at nanatili roon hanggang mabigyan ng amnestiya. Nakita niya pagkaraan ang kabuluhan ng layunin ng Katipunan na ibagsak ang pamahalaang Espanyol.

Nabalitaan ni Heneral Emilio Aguinaldo ang galíng niya sa batas kayâ’t hinirang siyáng punòng ministro ng rebolusyonaryong Kongresong Malolos. Siyá ang sumulat ng mga dekreto, manipesto, at iba pang kasulatan para kay Aguinaldo kayâ naituring na “Utak ng Himagsikang Filipino.”

Noong Digmaang Espanyol-Amerikano, agad niyang naisip ang epekto nito sa Filipinas at hinulaan niyang sasakupin tayo ng mga Amerikano.

Sa panahon ng Digmaang Filipino-Amerikano, kahit isang lumpo ay hindi siyá sumuko. Nahúli man noong 1899, hindi siyá napilit manumpa sa bandila ng Estados Unidos at sa halip ay ipinagpatuloy ang pagsulat laban sa pananatili ng mga Amerikano sa Filipinas.

Muli siyáng hinuli at ipinatapon sa Guam. Doon niya natapos ang La Revolucion Filipina, isang pagsusuri sa simula at kasaysayan ng Himagsikang Filipino. Pinayagan siyáng makabalik sa bansa makaraan ang halos dalawang taon. Pagdating niya sa Maynila noong 1903, tinanggihan niya ang alok na trabaho sa itinatayông gobyernong sibil ng Amerikano.

Sa araw na ito, Oktubre 3 noong 1900, napalaya mula sa kulungan sa Anda Jail ang dating Punong Ministro ng Unang Republika ng Pilipinas at tagapayo ni Pangulong Emilio Aguinaldo na si Apolinario Mabini. Ito ay sa utos na rin ng pamahalaang Amerikano para makausap siya ng noo’y Gobernador Sibil ng Amerika sa Pilipinas na si William Howard Taft, matapos ang halos siyam na buwang pagkakabilanggo. Matatandaang ika-10 ng Disyembre, 1899 nang nahuli ng mga Amerikano sa bayan ng Cuyapo, Nueva Ecija si Apolinario Mabini, at nang mapalaya ay nanirahan siya sa isang bahay sa Nagtahan sa Sampaloc, Maynila.

Dahil wala nang trabaho at sa kanyang kapansanan na rin, nakita ni Mabini na inaayudahan ng mga kaibigan at mga taong nagmamalasakit sa kanya.

Enero noong 1901 nang isa si Mabini sa mahigit 30 Pilipinong nahatulang ipatapon sa isla ng Guam sa utos ni Heneral Arthur MacArthur. Ayon kay Heneral MacArthur, patuloy umano ang pakikipag-usap ni Mabini sa mga lumalabang pinuno ng mga gerilya, at dahil na rin sa kanyang pagtangging sumumpa ng katapatan sa Estados Unidos.

Namatay siya sa sakít na kolera noong 13 Mayo 1903 sa Maynila.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr