Aroskaldo

Ano ang aroskaldo?

Mula sa Espanyol na arroz caldo, ang aroskaldo ay nilutong bigas na may sabaw at sahog na manok at luya.

Sa malawak na paraan, isang uri ito ng lugaw (porridge o congee sa Ingles) na nilutong bigas (kánin sa Tagalog) na may sabaw at sahog.

Pinakasimpleng lugaw ang walang anumang sahog. Karaniwang ipinakakain ito sa maysakit.Ngunit sa pagtakbo ng panahon ay lumitaw ang mga lugaw na may iba’t ibang sahog. May lugaw na may sahog na isda, hibi o hebe, itlog, at karne.

Ang lugaw na may lamang-loob (bituka at kalyos) ng baka ay tinatawag na goto. Ang lugaw na may tokwa at baboy ay malimit na tawaging tokwa-baboy (itinatawag din ito sa putaheng walang lugaw at nakababad sa toyo).

Hindi malinaw kung naimbento lamang ang aroskaldo noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ngunit itinuturing itong higit na espesyal na lugaw at paboritong ihanda bilang putaheng panghatinggabi sa Bagong Taon.

Bago kainin ang lugaw, malimit na tinitimplahan ito ng patis, toyo, bawang, paminta, o kalamansi.

Malaganap ang lugaw sa mga bansang bigas ang pangunahing pagkain sa Asia. Tinatawag itong xifan sa Tsina, okayu sa Japan, juk sa Korea, at ganji sa India.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Leave a Reply