Coron

Saan matatagpuan ang Coron?

Ang Coron ay isang popular na pook bakasyunan sa hilagang Palawan. Sinasakop nito ang silangang bahagi ng isla ng Busuanga, ang kabuuan ng karatig na isla ng Coron, at 50 maliliit na pulo.

Bahagi ang mga islang ito ng Kapuluang Calamian, ang bahagi ng Palawan na pinakamalapit sa Mindoro. Binubuo ang bayan ng 23 barangay.

Tanyag ang Coron bilang isang pook sisiran (dive spot), at dinadayo ng mga scuba diver at snorkeler mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Pinangalanan ito ng Forbes Traveler Magazine bilang isa sa sampung pinakamagandang scuba diving site sa buong mundo. May masisisid na isang dosenang lumubog na sasakyang pandigma ng mga Hapon sa dagat ng Coron at mga karatig na bayan.

Malinis at malinaw ang tubig; sa katunayan, matatagpuan dito ang sinasabing pinakamalinis na lawa sa Filipinas ay maaaring sa buong Asia, ang Lawa ng Kayangan.

Bukod sa tubig, dinadayo din ang magagandang beach at yungib ng Coron. Maaari ding galugarin ang gubat ng bakawan, mag-trek sa kagubatan, sumakay ng kabayo, at mag-camping.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: