Criollo

Ano ang ibig sabihing ng salitang criollo?

Sa pangkalahatan, tinatawag na criollo (kri·ól·yo) ang isang tao na may mga magulang na purong dugong Espanyol ngunit isinilang sa isa sa mga kolonya ng Espanya.

Tinatawag din siyang insular o isinilang sa kolonya at upang maibukod sa peninsular na isinilang sa peninsula ng Iberia (ang isang tawag sa Espanya). Bilang isang grupo, ang criollos o insulares ay itinuturing na higit na mababang saray kaysa peninsulares.

Gayunman, binubuo ng mga criollo ang kalakhan ng makapangyarihang aristokrasya ng Filipinas sa panahon ng Espanyol. Sila ang may hawak ng karamihan sa mga posisyon sa pamahalaan at Simbahan, maliban sa pinakamatataas na mga puwesto (tulad ng Gobernador-Heneral at Arsobispo ng Maynila) na kailangang hawak ng mga peninsular na pinadadala mulang Espanya. Nasa ilalim ng peninsulares at insulares ang mga mestisong Espanyol, mga Tsino at Tsinong mestiso, at pinakamababa ang mga Indio o mga purong katutubo.

Hindi maiiwasang magkaroon ng hidwaan kahit sa dalawang pang-itaas na saray ng lipunang kolonyal. Sinasabing ang taguring ”Filipino” ay unang ginamit para sa insulares, at sa kanila nag-ugat ang nasyonalismo at kamalayang Filipino.

Tatlong halimbawa ng mga criollo na nakipaglaban para sa karapatan ng mga ”Filipino” ay sina Luis Rodriguez Varela, Andres Novales, at Pedro Pelaez.

Noong simula ng ika-19 siglo, inilimbag ni Varela ang ilang aklat na nagsusulong ng pagbabago sa lipunan ng Filipinas. Isa siyang ilustrado na nag-aral sa liberal na Pransiya. Ginawa siyang kabalyero ni Haring Carlos III, at tinawag niya ang sarili bilang ”El Conde Filipino.”

Noong 1823, isang pag-aalsa ng mga insular, sa pamumuno ni Novales, ang dinulot ng isang utos mula Espanya na nagsasaad ng mas matataas na ranggo ng mga peninsular kaysa insular. Ipinatapon ng pamahalaang kolonyal sina Novales at ilang insular. Kasáma sa ipinatápon si Varela. Sinundan ito ng tinaguriang Sabwatang Palmero ng mga criollo na nagdulot ng pagpalit ng mga peninsular sa mga insular na opisyal na tulad ng mga gobernador ng lalawigan.

Dahil naman sa paghina ng kapangyarihan ng mga prayle sa Espanya, pumunta ang marami sa Filipinas at nagsimulang palitan sa puwesto ang mga paring insular, mestiso, at Indio.

Nagprotesta dito si Pelaez, isang criollo na nagsusulong ng sekularisasyon ng kaparian. Namatay sa isang lindol si Pelaez. Ipinagpatuloy ng kaniyang disipulong si Jose Burgos, sangkatlo ng martir na Gomburza, ang labang ito.

Si Juan Crisostomo Ibarra, mula sa nobelang Noli me tangere ni Jose Rizal, ang pinakatanyag na insular sa panitikan ng Filipinas. Tinalakay ng Pambansang Alagad ng Sining na si Nick Joaquin (nagsusulat bilang Quijano de Manila) ang lugar ng insulares sa kasaysayan ng bansa sa kaniyang sanaysay na “Why was the Rizal Hero a Creole?: In Ibarra & Simoun Flash the Two Phases of the Other, Earlier Philippine Revolution.”

Pinagmulan: NCCA Official

Mungkahing Basahin: