Felipe Agoncillo

Sino si Felipe Agoncillo?

Si Felipe Agoncillo (Fe·lí·pe A·gon·síl·yo) ang abogadong kumatawan sa Filipinas sa talakayan sa Paris, Pransiya na nagwakas sa Kasunduang Paris noong 1898 na tumapos sa Digmaang Espanya-Amerika. Inatasan siya ng Republikang Malolos noon na itaguyod ang pagkilala ng ibang bansa sa kasarinlan ng Filipinas. Dahil dito, itinuturing siya ng marami bilang unang natatanging diplomat ng bansa.

Isinilang siya noong 26 Mayo 1859 sa Taal, Batangas kina Ramon Agoncillo at Gregoria Encarnacion. Nag-aral siya sa Ateneo Municipal de Manila bago lumipat sa Unibersidad ng Santo Tomas, na pinagtapusan niya ng abogasya at ginawaran ng lisensiya sa hurisprudensiya nang may pinakamataas na grado. Bumalik siyá sa kinalakhang bayan ng Taal, Batangas at naghandog ng libreng serbisyong legal sa mga dukha at aping kababayan. Dahil sa kaniyang mga makabayang gawain, inakusahan siyang filibustero ng kura paroko. Napilitan siyang lumisan patungong bansang Japan bago tumuloy sa Hong Kong at nakiisa sa iba pang mga makabayang Filipino.

Pagkatapos malagdaan ang Kasunduang Biak-na-Bato, pinangunahan ni Agoncillo ang komite sentral ng rebolusyon at nangasiwa sa tanggapan ng propaganda ng pamahalaan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Inatasan siyang maging embahador na maglulunsad ng mga tratado sa ibang bansa. Lumisan siyá patungong Estados Unidos kasáma si Sixto Lopez upang ipaglaban ang kasarinlan ng mga Filipino, ngunit hindi sila hinarap ng Pangulong William Mckinley.

Sumubok muli siyáng ipaglaban ang kaniyang bansa sa pagpupulong sa Pransiya para sa magiging tadhana ng Kuba at Filipinas. Hindi siya binigyang ng kaukulang pansin ng mga Europeo. Dalawang araw pagkatapos ang paglagda sa Kasunduang Paris, bumalik si Agoncillo sa Amerika upang subuking harangin ang pagpapasa ng tratado ng Amerikanong Senado. Naghain siya ng pormal na protesta na pinamagatang Memorial to the Senate.

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niya ang pagiging abogado sa Maynila. Kinuha niya ang bar exam noong 1905 at pumasa sa markang 100 porsiyento, na hindi pa napapantayan hanggang sa kasalukuyan. Noong 1907, inihalal siyá bilang kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Filipinas.

Naglingkod siyá bilang Kalihim Panloob (Secretary of the Interior) sa pamahalaan ni Gobernador-Heneral Leonard Wood, at ipinaglaban niya ang Filipinasyon ng serbisyo sibil. Nagkaroon siyá ng anim na anak sa asawang si Marcela Mariño.

Pumanaw siyá noong 29 Setyembre 1941 sa Manila Doctors Hospital, Lungsod Maynila.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:
1. Ang pagpanaw ni Doña Marcela Mariño de Agoncillo