Jose Maria Asuncion

Sino si Jose Maria Asuncion?

Isang kinikilalang pintor, naglingkod sa hukbong rebolusyonaryo, at isa sa unang guro sa pintura sa UP School of Fine Arts.

Isinilang si Jose Maria Asuncion (Ho·sé Ma·rí·ya A·sun·syón) noong 14 Disyembre 1869 sa Sta. Cruz, Maynila kina Hilarion Asuncion at Marcela Reymundo.

Isang mang-uukit sa kahoy ang kaniyang ama at anak ito ng bantog na si Leoncio Asuncion. Nagtapos siyá ng batsilyer sa Ateneo de Manila at nag-aral sa Academia de Dibujo y Pintura.

Tinangkilik siyá ni Agustina Medel, may-ari ng Teatro Zorilla, hábang nag-aaral sa Paris noong 1890. Doon niya nakilála sina Juan Luna at Feliz R. Hidalgo. Lumipat siya sa Madrid at nag-aral sa Escuea de Bellas Artes, 1891-1895. Tumanggap siyá ng ilang premyo hábang nag-aaral. Bumalik siyá sa Maynila noong 1895 at naging assistant sa Escuela Profesional de Artes y Oficio sa Iloilo hanggang Nobyembre 1898.

Lumahok siya sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino at naging tagapangasiwa ng suplay ng hukbo sa Iloilo. Nalipat siyá sa pagtatayô ng tanggulan sa Jaro, La Paz, at ibang pook, at naging kapitan noong Pebrero 1899.

Pagkatapos ng Digmaang Filipino-Amerikano, isinama niya ang asawang si Juana Hubero sa Calbayog, Samar at pagkatapos, sa Tacloban Leyte. Apat na taon siyá doon na nagpipinta ng tanawin at talon, at pumasok sa potograpiya para kumita. Bumalik siya sa Maynila noong 1905, nag-aral ng abogasya, naging miyembro ng Partido Independista, at nagsulat sa iba’t ibang peryodiko.

Nang buksan ang University of the Philippines School of Fine Arts, tinanggap ni Asuncion ang pagiging guro noong 1 Hunyo 1909 at naging kalihim nitó noong 1911. Itinuturing siya ni Fabian de la Rosa na natatanging espesyalista sa “still life.” Ang mga pag-aaral niya sa kasaysayan ng sining sa Filipinas at dibuho ng mga tradisyonal na kasuotan ay itinuturing na napakahalaga sa naturang mga paksain. Namatay siya noong 2 Mayo 1925.

Pinagmulan: NCCAOfficial | Flickr

Mungkahing Basahin: