Lamberto V. Avellana

Sino si Lamberto V. Avellana?

Si Lamberto V. Avellana (Lam·bér·to Vi A·vel·yá·na) ay isang mahusay na direktor sa teatro at pelikula. Makabuluhan ang kaniyang mga ambag sa pagpapaunlad ng anyo at laman ng pagtatanghal sa entablado at pinilakang tabing. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining para sa Teatro at Pelikula noong 1976.

Sa pelikula, tagapanguna siya sa sinematikong paraan ng punto-de-bista at mise-en-scene sa paggamit ng kamera. Sa bawat kuwadro ng pelikula at kabuuang eksena ay napapatampok ang damdamin sa pamamagitan ng anggulo ng kamera at komposisyon.

Inihatid din niya sa iskrin ang mga imahen at naratibo ng tunay na buhay ng pangkaraniwang tao, ang kanilang realidad at pagsisikap mabuhay, at sa gayong paraan ay naghandog siya ng salungat na tunguhin laban sa purong komersiyalismo ng pelikula.

Kinilala ng mundo ang kaniyang mga pagsisikap:

  • ang Anak Dalita (1956) ay nagkamit ng Grand Prix bilang pinakamahusay na pelikula sa Asian Film Festival sa Hong Kong; 
  • ang Badjao (1957) ay nagbigay sa kaniya ng gawad para sa pinakamahusay na direktor at tatlo pang medyor na parangal sa Asian Film Festival sa Tokyo; nagwagi ng Conde de Foxa Award sa Bilbao, Spain, 
  • ang El Legado (1960); 
  • ang, La Campana de Baler (1961) ay nagwagi rin ng Conde de Foxa Award, medalyang pilak; at, 
  • noong 1969, nakamit niyá ang gawad para sa pinakamahusay na dokumentaryo para sa The Survivor, sa Cambodian Film Festival. 

Si Avellana rin ang unang Filipinong nagtanghal ng obra sa Cannes International Film Festival, Ang Kandelerong Pilak (1954). May mga pelikula si Direktor Avellana na para sa pangdaigdigang pagtatanghal tulad ng Sergeant Hasan (1967), Destination Vietnam (1969), at The Evil Within (1970).

Tampok sa kaniyang mga obra maestra ay ang pagsasapelikula ng ilang mga klasikong dula: ang A Portrait of the Artist as Filipino (1965) ni Nick Joaquin at Walang Sugat ni Severino Reyes.

Ipinanganak siya noong 12 Pebrero 1915 kina Dr. Jose Avellana at Rita Vera.

Napangasawa niya ang Pambansang Alagad ng Sining din na si Daisy Hontiveros at may tatlo silang anak. Si Jose Mari, Marivi, at Lamberto Jr.

Ang marubdob na pag-ibig sa dulaan ni Avellana ay nagsimula noong estudyante pa lamang siya ng Ateneo. Siya ang gumanap na Joan of Arc noong 1935 para sa Diamond Jubilee ng Ateneo sa direksiyon ni Fr. Henry Lee Irwin, S.J. Siyá rin ang katulong na direktor ni Fr. Irwin habang gumanap na bida sa dula. Sa Ateneo siya nagtapos ng Batsilyer sa Sining, magna cum laude.

Panandang-bato sa teatro sa bansa ang 1 Marso 1939, nang itinatag ng mag-asawang Lamberto at Daisy at ng may 50 kapanalig na mga aktor, musiko, mananayaw, manunulat, pintor, arkitekto, eskultor, at propesor ang Barangay Theater Guild (BTG). Nagkamit siyá ng maraming parangal bago sumakabilang-buhay noong 25 Abril 1991.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: