Librada Avelino

Sino si Librada Avelino?

Si Librada Avelino (Li·brá·da A·ve·lí·no), kilala bilang Maestra Ada, ay isang natatanging guro sa Filipinas. Isa siya sa mga naging tagapagtatag ng kinikilala ngayong Centro Escolar University.

Isinilang siya noong 17 Enero 1873 sa Quiapo, Maynila kina Pedro Avelino, isang parmasyutiko, at Francisca Magali. Nagsimula siya ng pormal na edukasyon sa ilalim ni Maestra Luisa Bacho sa isang pampublikong paaralan. Nag-aral din siya ng wikang Espanyol at musika. Humanga siya sa nobela ni Jose Rizal, at naging paborito niyang awtor ang naturang bayani.

Sa edad na 16, siya ang pinakabata na nakatapos ng kurso sa pagtuturo noong panahon ng mga Espanyol. Naipasa niya ang eksamen ng pamahalaan para sa mga guro ng mababang paaralan sa naturang edad at nagpamalas ng husay sa pagtuturo.

Kumuha siya ng isa pang diploma sa Normal School for Women dahil ambisyon niyang makapagturo sa sekundarya. Noong unang bahagi ng pananakop ng Amerikano, nagtatag siya ng isang pribadong paaralan sa Maynila ngunit hindi naging matagumpay dahil sa kakulangan sa mga klase sa Ingles.

Pumasok siya sa mga summer school sa Maynila at Hong Kong upang linangin ang sarili sa wikang Ingles. Matapos nito, ginawa siyáng prinsipal sa isang pampublikong paaralan para sa mga babae sa Pandacan. Siyá ang unang prinsipal na Filipina sa pampublikong paaralan sa Panahon ng Amerikano.

Isa rin siyang patriyota. Nagprotesta siya sa isang lektura ni Prescott F. Jernegan hinggil sa mga rebolusyonaryong Filipino. Ipinagtanggol niyang hindi sila mga bandido at sa halip ay mga patriyotang gaya rin ng mga sundalo sa Rebolusyong Amerikano. Nagprotesta rin siya sa panghihimasok ng isang Amerikanong opisyal ng paaralan sa kaniyang gawaing pampaaralan, na nagdulot ng unang naitalang walkout ng mga estudyante bilang suporta sa kanilang guro.

Noong 1907, kasama sina Carmen de Luna at Don Fernando Salas, itinatag niya ang unang eskuwelahang pambabae na nasyonalistiko at non-sectarian sa Filipinas. Tinawag itong Centro Escolar de Señoritas at siya ang naging direktor nito.

Nagturo siya sa kababaihang estudyante na magkaroon ng aktibong interes sa gobyerno. Ang naturang kolehiyo ang unang institusyong non-sectarian na nagbigay ng kurso para sa pilosopiya at edukasyon. Tinawag ito kalaunan bilang Centro Escolar University.

Pinarangalan siya bilang Master of Pedagogy, honoris causa ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1929 para sa kaniyang naging mahalagang kontribusyon sa edukasyon sa bansa. Siya ang unang babaeng tumanggap ng naturang karangalan.

Namatay siya sa kanser sa tiyan noong 9 Nobyembre 1934. Ipinangalan sa kaniya ng Centro Escolar University ang Librada Avelino Memorial Awards para sa mga natatanging babaeng lider sa Asia.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: