Liwayway Ablaza Arceo

Sino si Liwayway Ablaza Arceo? 

Si Liwayway Ablaza Arceo (Li·way·wáy A·blá·za Ar·sé·o) ay isa sa mga nangungunang kuwentista, radio scriptwriter, mananaysay, tagasalin, at editor sa wikang Tagalog.

Isinilang siya noong 30 Enero 1920 sa Tondo, Maynila kina Gregorio Arceo at Amada Ablaza. Nagkaroon siya ng anim na anak sa asawang makatang si Manuel Principe Bautista.

Nang makapagtapos sa Torres High school, pumasok siya sa Balita at naging unang babaeng kawani ng isang pahayagang Tagalog. Gumanap siya sa pelikulang Tatlong Maria kasama sina Carmen Rosales at Norma Blancaflor noong 1943. Nang muling alukin sa pag-arte, tinanggihan niya ito at mas pinili ang pagsusulat.

Noong dekada 50, nagsulat siya ng mga script para sa Ilaw ng Tahanan, ang unang radio soap opera sa bansa na nagtagal nang halos 10 taon. Siya rin ang nasa likod ng mga script na binabasa noon ng mga gaya ni Tiya Dely Magpayo sa programang Ang Tangi Kong Pag-ibig at Kasaysayan ng mga Liham ni Tiya Dely noong mga taong 1960 hanggang 1990; at Helen Vela sa programang Lovingly yours, Helen noong mga taong 1970.

Nakapagsulat siya nang halos 50 nobela, libong maikling kuwento, sanaysay, at dramang panradyo. Naging pinakatanyag ang kaniyang mga nobelang Canal de la Reina (1972) at Titser (1995).

Ang ilan naman sa kalipunan ng kaniyang mga maiikling kuwento ay: Uhaw ang Tigang na Lupa at Iba Pang Katha (1968); Mga Piling Katha (1984); Ina, Maybahay, Anak, at Iba Pa (1990); Ang Mag-anak na Cruz (1991).

Naging editor din siya ng seksiyong Bagong Dugo sa Liwayway at ng seksiyong pangkonsiyumer sa Balita.

Marami siyang isinaling akdang relihiyoso sa wikang Filipino. Ang pinakamalaking proyekto na marahil ay ang pagsasalin ng Bibliya kasama ang kaniyang asawa at iba pang kapuwa manunulat.

Naisalin din sa iba’t ibang wika ang kaniyang mga akda tulad ng: Canal de la Reina at Uhaw ang Tigang na Lupa sa wikang Nihonggo at Banyaga sa wikang Bulgaryan, Ruso, at Ingles, at umani ng mga parangal mula sa mga pangunahing institusyong gaya ng Katipunang Pambansa ng Alagad ng Sining, Don Carlos Palanca Memorial Awards, Catholic Mass Media Awards, Cultural Center of the Philippines, Linangan ng Wika sa Pilipinas,Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas, Asian Catholic Publishers, University of the Philippines, at iba pa.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: