Bado Dangwa

Sino si Bado Dangwa?

Popular bilang pangunahing negosyante ng transportasyon sa Cordillera, ang pilantropo at politikong si Bado Dangwa ay isinilang noong 5 Mayo 1905 sa Kapangan, Benguet.

Nag-aral siya sa Trinidad Agricultural School (Mountain Province Agricultural School ngayon) sa Benguet. Ngunit napakahilig sa pagkalikot ng makina at ginanyak pa siya ng guro at kaibigang si James Wright. Si Wright din ang gumanyak sa kaniya sa magandang posibilidad ng negosyo sa transportasyon. Dahil walang puhunan, tinulungan din ni Wright si Bado na mabili ang limang karag-karag na kotse ni Emilio Milia, may-ari ng isang garahe sa Trinidad.

Mabilis na naisaayos ni Bado ang mga kotse. Wala naman siyang pambili ng gasolina. Isa pang kaibigan, si G. Equies, ang nagpahiram ng Php10 kay Bado. Hindi nagtagal, ang mga bulok na kotse ay nakumbert sa mga dyipni ni Bado sa rutang Trinidad-Lungsod Baguio.

Noong 1928, tatlo sa mga ito ang popular na sasakyang pampasahero sa Mountain Province, bago pa mauso ang dyip mula sa sasakyan ng Amerikanong GI pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nagtayo pa ng kantina si Bado para sa mga drayber.

Umunlad ang negosyo ni Bado at naging Dangwa Transportation Company. Bago makadigma, may 173 bus ito na pampasahero at panghakot ng kargamento. Marami ang bumibiyaheng Maynila-Baguio. May pinakamalaki ring poltri si Bado sa Trinidad. Sa panahon ng digma, lumahok sa kilusang gerilya si Bado at nagkaranggong koronel. Ngunit malaki ang nasira sa kaniyang negosyo. Muling niyang itinayo ang kompanya ng transportasyon sa tulong ng mga kaibigan.

Kinilala ng mga politiko ang kaniyang husay. Noong 1953, hinirang siya ni Pangulong Quirino, lider ng Partido Liberal, na gobernador ng Mountain Province, na binubuo noon ng Bontoc, Ifugao, Kalinga-Apayao, at Benguet. Tinanggap niya ang paghirang ngunit nagbitiw pagkaraan ng apat na buwan upang mangampanya para kay Ramon Mitra, kandidatong kongresista ng Partido Nacionalista sa Mountain Province. Nagwagi si Mitra.

Nang pumalit si Pangulong Magsaysay, hinirang nitong muli si Bado na gobernador ng probinsiya. Nang gawing inihahalal ang pinuno ng lalawigan, kumandidato si Bado noong 1953 at nagwagi. Nahalal pa siya nang dalawang ulit, 1956-1959, 1960-1963.

Kasal si Bado kay Maria Antero, na naging isang aktibong lider sibiko sa Benguet at Lungsod Baguio. Namatay si Bado noong 1976. Ipinangalan sa kaniya ang isang kampo ng PNP sa Benguet.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: