Dama

Ang dama ay isang larong Filipino na kahawig ng ahedres (chess o checker) at may layon na ubusin ang piyon ng kalaban.

Sinasabing nagmula ang laro ng checker sa Sinaunang Ehipto. Natagpuan ng mga arkeologo ang mga bakas nito sa isang ginawang paghuhukay sa Ur, Iraq at tinatayang nilalaro ito noong 1400 B.C. pa. Tinatawag ito noong alquerque at mayroon itong 5×5 bord o tablero na mayroong grid at mga guhit na diyagonal na naglalagos sa isa’t isa.

Sinasabi namang ang modernong checker o chess ay nagsimula noong ika-12 siglo sa largong ferses. Noong ika-16 na siglo, naging ‘dames’ ito at naging popular sa Pransiya. Nakarating ito sa Inglatera at Amerika at tinawag itong draughts. Mayroon ding natagpuang libro tungkol sa naturang laro sa Espanya at Inglatera.

Sa Filipinas at Armenya, tinawag itong dama.

Nilalaro ito ng dalawang tao, bawat isa ay may 12 piraso ng pitsa na gawa sa kawayan, bato, o takip ng bote. Ang pitsa ay maaari lamang gumalaw nang padiyagonal sa interseksiyon ng mga linya sa bord, hindi nitó maaaring kainin ang pitsa na nasa likod nito, at kapag narating na ang dama o ang huling hilera ng bord sa bahagi ng kalaban, maaari na itong gumalaw nang padiyagonal sa mga hilera.

Tulad ng ahedres, natatapos ang laro kapag naubos na ang lahat ng pitsa ng kalaban.

Sa ibang bahagi ng Filipinas, ginagamit mismo ang chess board at mga piyesa nito sa dama. Sa simula, ginagamit lamang ang pawn, knight, at rook. Kapag narating ng manlalaro ang dama stage ay saka niya magagamit ang piyesa ng king, queen, at bishop.

May paraan ng paglalaro nito na tinatawag na perdegana (mula sa Espanyol na perder ganar) na panalo ang unang maubusan ng pitsa. Sa Bisaya, tinatawag ang dama bilang pildi-dama na korupsiyon ng Espanyol na perder na ibig sabihin ay “matalo.”

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: