Deogracias Rosario

Deogracias Rosario: Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong Tagalog

Si Deogracias Rosario (Dé·yo·grá·syas Ro·sár·yo) ay isang mangangatha, mamamahayag, at makata. Kinikilala siya bilang “Ama ng Makabagong Maikling Kuwentong Tagalog.”

Unang naging aktibo si Rosario sa larangan ng pamamahayag. Naging bahagi siya ng pahayagang Ang Demokrasya noong 1912 at ng satirikong magasing Buntot Pagi noong 1914. Noong 1917, naging reporter siya ng Taliba at pagkaraa’y naging katuwang na editor nito. Sumulat din siya sa Pagkakaisa ng Bayan at ng Photo-News (ngayo’y Liwayway).

Pinamunuan din niya ang iba’t ibang samahang pampanitikan at pangwika. Isa siya sa itinuturing na cuarteto ng Ilaw at Panitik, at naging pangulo pa nito, gayundin ng Kalipunan ng mga Kuwentista, at Kalipunan ng mga Dalubhasa ng Akademya ng Wikang Tagalog.

Ngunit mas nakilala si Rosario sa mga naging ambag niya sa larangan ng maikling kuwento. Itinuturing na unang maikling kuwento sa Tagalog ang kaniyang akdang “Kung Ipaghiganti ang Puso” na inilathala sa Liwayway noong 21 Marso 1924.

Ilan pa sa mga kinikilalang mahuhusay niyang kuwento ang

  1. “Aloha” (1932), 
  2. “Ako’y Mayroong Isang Ibon” (1932) at 
  3. “Greta Garbo.” 

Ang mga kuwento niyá ay napabilang na sa mga antolohiya ng pinakamahuhusay na akda.

Nakapagsulat si Rosario ng mahigit sa 80 maikling kuwento, dalawang maikling nobela, dalawang de-seryeng nobela, at maraming personal na sanaysay, artikulo, at tula na inilathala sa Photo-News. Nagkaroon din si Rosario ng kolum sa Taliba, ang “Mga Sulyap na Pang-Sabado ni D.A.R.” na nagtampok ng mga rebyu ng aklat at mga ulat tungkol sa mga pangyayari sa larangan ng panitikan.

Ipinanganak siya noong 17 Oktubre 1894 sa Tundo, Maynila sa isang mahirap na pamilya. Nag-aral siya sa Manila High School (ngayo’y Araullo). Nagsimula siyang magsulat sa napakabata ng edad na 13.

Namatay siya noong 26 Nobyembre 1936.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: