Dolphy

Sino si Dolphy?

Ipinanganak bilang Rodolfo Vera Quizon, Sr. si Dolphy (dól•fi), ay isang bantog na aktor sa komedi. Tinagurian siyang “Hari ng Komedi” dahil sa natatangi niyang talento sa pagtatanghal sa entablado, radyo, telebisyon, at pelikula sa loob ng mahabang panahon.

Isinilang si Dolphy kina Melencio E. Quizon, isang manggagawa sa barko, at Salud Vera, sa Kalye Padre Herrera sa Tondo, Maynila. Pangalawa siya sa sampung magkakapatid. Noong kabataan, nagtitinda siya ng mani at butong pakwan sa mga sinehan.

Nakakapanood siya ng libreng pelikula dahil sa pagtitinda. Napasok din siya sa iba pang maliliit na trabaho bago nagging artista. Naging impluwensiya niya ang tambalang Pugo at Togo, at mga mananayaw na sina Benny Mack at Bayani Casimiro.

Sa panahon ng pananakop ng Hapon, at edad labimpito siya nang bigyan ng trabaho ni Benny Mack bilang isang mananayaw sa Avenue Theater at Lyric Theater.

Una niyang pelikula ang Dugo at Bayan kasama si Fernando Poe, Sr., ama ng magiging kaibigang si Fernando Poe, Jr. Sa pagtatapos ng dekada 40, pinasok niya rin ang radyo sa tulong ni Conde Ubaldo, isang sikat na manunulat sa radyo, direktor, at prodyuser.

Sa programa sa radyong Wag Naman nakasáma niya sina Pancho Magalona na bida sa programa, Tessie Quintana at Baby Jane. Nagsimula rin sa radyo ang tambalan nilá ni Panchito. Noong 1952, ipinakilála ni Pancho Magalona si Dolphy kay Dr. Jose “Doc” Perez, may-ari ng Sampaguita Pictures. Dito nagsimula ang kaniyang karera sa pelikula.

Nang matapos ang kontrata niya sa Sampaguita, ipinasok siya ni Eugenio “Geny” Lopez Jr. sa telebisyon. Una niyang naging palabas sa ABS-CBN ang Buhay Artista (1964-1972).

Habang nasa telebisyon, lumabas din siya sa mga pelikula. Itinatag niya kalaunan ang sariling RVQ Productions noong 1965. Ilan pa sa mga pelikula at programang nagpasikat sa kaniya ang Sa Isang Sulyap Mo Tita (1953); Jack en Jill (1954); Facifica Falayfay (1969); John En Marsha (1973); Ang Tatay kong Nanay (1978); Haw Haw de Karabaw (1988); Home Along Da Riles (1992); Markova: Comfort Gay (2000); at Father Jejemon (2010).

Ilan sa mga gantimpalang natamo niya ang Lifetime Achievement Award PASADO Awards; Golden Father Foundation Parangal ng Bayan Awardee; Dangal ng Lipi Award; 1998 Gawad Urian Award, Lifetime Achievement Award; 2000 Cinemanila International Film Festival, Lifetime Achievement Award; 2010 Grand Collar of the Order of the Golden Heart; 2012 Gawad na Diwa ng Lahi; 2012 People’s Artist Award; at mula sa FAMAS, Metro Manila Film Festival, at PMPC Star Awards mula 1974 hanggang 2011.

Sumakabilang-buhay si Dolphy dahil sa mga kumplikasyon dala ng pulmonya at sakit sa bato. Sa kanyang pagpanaw, idineklara ni Pangulong Benigno Aquino III ang Hulyo 13, 2012 bilang National Day of Remembrance bilang pag-alala sa mga naging kontribusyon ni Dolphy sa industriya ng pagtatanghal.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: