Harana

Ang harana ay tumutukoy sa tradisyonal na pag-awit ng isang binata sa tapat ng bahay ng dalagang napupusuan.

Madalas, may kasama ang binata, mga kaibigang lalaki na tumutugtog ng gitara para saliwan ang pag-awit ng naghaharana.

Karaniwang idinaraos ito sa pagitan ng ikapito at ikasampu ng gabi. Nahahati ito sa tatlong bahagi: pagpapakilala, pagtumbok, at pamamaalam. Ginagawa ito ng mga Tagalog, Kapampangan, Bikolano, Ilokano, at Pangasinan.

Ang pagbubukas ng maliit na siwang ng bintana at pakikinig sa harana ng binata ay sapat nang kapalit sa pagod at puyat para sa isang masugid na manliligaw. Kung susuwertihin at kung may pagtingin din sa binata ang dalagang hinaharana, maaaring paakyatin sa bahay ang nananapatan upang sila ay makapagkuwentuhan.

Ang harana ay hindi palaging nagtatapos sa magandang kapalaran. Kung minsan ay sinasabuyan ng likidong mula sa arinola ang nananapatan, at kung minsan, sa mas mainam na kamalasan, ay hindi ito pinapansin ng hinaharana.

Isang sikat na awit para sa harana ang “Dungawin Mo Hirang” na likha ni Santiago Suarez. Narito ang mga titik ng harana:

Irog ko’y pakinggan, awit na mapanglaw

Na nagbuhat sa isang pusong namamanglaw.

Huwag mong ipagkait, awa mo’y ilawit

Sa abang puso kong naghihirap sa pag-ibig.

Dungawin mo, hirang, ang nanambitan,

Kahit sulyap mo man lamang, iyong idampulay.

Sapagkat ikaw lamang ang tanging dalanginan

Ng puso kong dahil sa ‘yo nabubuhay

Sa mga probinsiya, ang harana ay maaari ring magsilbing paraan upang tanggapin ang isang baguhan sa lugar, o sariwain ang mga nakalipas na pagkakaibigan katulad sa mga nangingibang-bayan at nagbabalik.

May iba pang layunin ang harana bukod sa panliligaw. May tinatawag na harana sa manok o harana sa bigas. Dito, ang naghaharana ay humihingi ng manok at bigas o iba pang makakain para sa mga darating na pagdiriwang katulad ng binyag at kasal.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr