Jose dela Cruz

Jose dela Cruz: Huseng Sisiw

Si Jose dela Cruz (Ho·sé de·lá Kruz) o Huseng Sisiw ay isang bantog na makata at mandudulang Tagalog noong ika-19 na siglo. Dahil sa kaniyang kabantugan, may kuwentong nagpaturo sa kaniyang tumula si Francisco Balagtas bago ito naging popular.

Isinilang siya noong 21 Disyembre 1746s a Tondo, Maynila kina Simeon dela Cruz, isang cabeza de barangay, at kay Maria Naval.

Sa edad na 8, bihasa na siya sa pagsasalita sa Espanyol. Kalaunan ay sumulat siya sa wikang Latin. Naging kritiko at sensor siya ng komedyang Tagalog na ipinapalabas sa Teatro de Tondo. Naging kaibigan niya ang mga tagasimbahan dahil sa kaniya ipinasusulat at ipinawawasto ang kanilang sermon at dahil gagap niya ang Bibliya.

Kilala siya bilang “Huseng Sisiw.” Ayon kay Hermenegildo Cruz, palayaw niya iyon dahil susulat lamang siya ng tula kapalit ng sisiw.

Ayon naman kay Jose Ma. Rivera, ang palayaw niya ay galing sa kaniyang hilig kumain ng sisiw. Sinasabing kaya niyang tumula at bumuo ng dula nang impromptu. Kumalat sa karatig lalawigan ang kaniyang katanyagan. Ang mga nagnanais na maging makata at manunulat noon ay lumalapit sa kaniya upang humingi ng payo at matuto ng sining ng pagtula. Isa na nga dito ay ang naging bantog na si Francisco Balagtas.

Ilan sa mga isinulat niyang tulang liriko ay “Awa sa Pag-ibig,” “Singsing ng Pag-ibig,” “Sayang na Sayang,” at “Oh…! Kaawa-awang Buhay Ko.”

Ang ilan naman sa mga isinulat niyang tulang pasalaysay ay ang mga awit at korido na Clarita, Adela at Florante, Flora at Clavela, Doce Pares de Francia, Rodrigo de Villas, at ang popular na Historia Famoso de Bernardo Carpio. Sumulat din siya ng komedya tulad ng La guerra civil de Granada, Hernandez at Galisandra, Reina encantada o casamiento de fuerza, Los dos virreyes o la copa de oro, Principe Baldovino, Conde Rodrigo de Villas, El amor y la envidia, Don Gonzalo de Cordova, Jason at Medea, at Los traidores de la patria.

May ulat na namatay siya noong 12 Marso 1829.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: