Naga

Ang naga (Pterocarpus indicus) ay isang napakahalagang punongkahoy sa Filipinas dahil sa tibay, bigat, at mataas na kalidad nito.

Kilala rin ito sa pangalang asana, o angsana, bagaman nakalulungkot na naging popular sa binaluktot na bigkas na narra noong panahon ng Espanyol.

Ito ang pambansang punongkahoy ng Filipinas at ang panlalawigang punongkahoy ng Chonburi at Phuket sa bansang Thailand.

Matatagpuan ito sa maraming lugar sa ating bansa, kadalasan sa mga pangunahing kagubatan at kapatagan. Malaki itong punongkahoy, maaaring tumaas nang 25 metro o higit pa. Ang mga dahon ay may 15 hanggang 30 sentimetro ang haba, may mababangong bulaklak na kulay dilaw at may 1.5 sentimetro ang habà. Mula Pebrero hanggang Mayo ang pamumulaklak ng naga sa Filipinas, Borneo, at Malay peninsula.

Itinuturing na napakahalaga ng naga dahil sa magandang kahoy na karaniwan nang ginagamit sa konstruksiyon at paggawa ng mga muwebles. Ang mahahalagang bahagi ng marimba, isang instrumentong pangmusika, ay gawa sa kahoy na naga. Hindi gaanong inaanay at binubukbok ang kahoy nito na tila amoy rosas. Nagbibigay rin ang kahoy nito ng mga tina o sangkap pangkulay tulad ng narrin at santalin na ginagamit pangkulay ng mga katutubo.

Ang mga bulaklak ay kinukunan ng pulut-pukyutan (honey), samantalang ang magulang na dahon ay maaaring gamitin bilang gugo o shampoo. Ginagamit din ang mga murang dahon nito sa pagpapagaling ng ulcer, bungang araw, at sa pagpapahinog ng pigsa.

Mayroong kemikal sa nakukuha sa Pterocarpus indicus. Ito ay ang kino, isang bagay na parang pandikit. Kilalang-kilala ang kino sa kultura ng Malay bilang gamot sa pagtatae at disinterya. Puwede rin itong gamitin bilang astringent para sa proteksiyon ng balát at mga panloob na bahagi ng katawan.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: