Nito

Ang nitò ay isang uri ng pakô mula sa pamilyang Schizaeceae o Lygodiaceae at genus na Lygodium. Ang Lygodium ay katutubo sa mga rehiyong tropikal ng mundo. Isa ito sa mga primitibong genus ng pakô na mula pa sa Mesozoic Era o halos 225 milyon na ang tanda. Ang rachis ng frond nitó ay manipis, naibabaluktot, at mahabà. Ang bawat frond ay lumilikha ng isang tila baging at maaaring magkaroon ng habà na 3-12 m.

Matatagpuan ito sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas partikular sa mga bukas na lugar at kagubatang mayroong mababa at katamtamang taas.

Tinatayang mayroong pitong species ng nitò na matatagpuan sa Filipinas. Kabilang sa mga ito ang nitòng-hapón (Lygodium japonicum), uri ng pakô na may dahong tila tigib sa kaliskis; nitòng-putî (Lygodium flexuosum/ Lygodium cincinnatum), uri ng pakô na may maikli at gumagapang na mga risoma at halos dikit-dikit ang mga dahon; at nito-nitoan (Lygodium scandens), uri ng pakò na itinuturing na halamang medisinal at iginagamot sa sakit sa balát.

Karaniwang ginagamit sa medisina para sa kagat ng makamandag na reptil at insekto, sugat, ubo, lagnat, at iba pa ang nitò. Ngunit higit na pinakikinabangan ito paggawa ng mga basket, bag, sombrero, at iba pa.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin: