Norberto Romualdez Sr.

Sino si Norberto Romualdez Sr.?

Si Norberto Romualdez Sr. (Nor·bér·to Rom·wál·dez) ay isang abogado, mambabatas, hukom, at naging Mahistrado ng Korte Suprema. Subalit higit siyang kinikilala ngayon dahil sa mga nagawa niya sa pagtataguyod ng isang wikang pambansa.

Ipinanganak siya noong 6 Hunyo 1875 sa Burawen, Leyte. Isa siya sa mga unang nagtaguyod ng isang wikang mauunawaan sa buong bansa.

Noong 1935, at bilang delegado sa Kumbensiyong Konstitusyonal, nangampaniya siya para sa pagkakaroon ng isang wikang pambansa batay sa isang katutubong wika. Pagkaraan ng kumbensiyon at mahalal siya sa Pambansang Asamblea, siya ang bumuo ng batas para sa pagtatatag ng Surian ng Wikang Pambansa.

Isa rin siyang mananaliksik pangkultura at may-akda ng Bisayan Grammar (1908); Tagbanwa Dialect (1914); Philippine Orthography (1921); La Literatura y Artes Filipinos (1923).

Marami din siyáng saliksik sa katutubong musika tulad ng Filipino Musical Instruments and Airs of Long Ago (1931). Lider din siya ng kapisanan ng mga manunulat at nagmamahal sa wikang Waray, kasama si Jaime C. de Veyra na naging unang direktor ng Surian ng Wikang Pambansa.

Ikinasal siya kay Mariquita Marquez noong 9 Setyembre 1899 at naging anak sina Amparo, Milagros, Carmen, Loreto, Jose, Norberto Jr., at Francisco.

Bukod sa politiko, naglingkod din siyang hukom (1913-1919), propesor ng batas (1919-1920), at mahistrado sa Korte Suprema (1921-1932). Naglingkod naman siyáng kinatawan ng Leyte hanggang noong 1938 at kandidato sa pagkasenador ng Partido Nacionalista nang bawian siya ng buhay noong 4 Nobyembre 1941.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr