Ang BRP Capones at Ang BRP Sindangan

brp capones
Philippine Coast Guard (@coastguardph)

Ang BRP Capones (MRRV-4404) at BRP Sindangan (MRRV-4407) ay kabilang sa mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagpapanatili ng seguridad at kaligtasan ng mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Kabilang sa binabantayan ng mga barkong ito ay ang katubigan ng Bajo de Masinloc (BDM) sa probinsya ng Zambales.

Kasabay ng pagpapatrolya sa BDM, muling nagsagawa ng Bayanihan Sa Karagatan ang mga PCG personnel ng BRP Capones (MRRV-4404) at BRP Sindangan (MRRV-4407). Ito ay para makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga lokal na mangingisda.

Habang sinasagot ni Presidential Spokesperson, Secretary Harry Roque ang isyu tungkol sa di umano’y pagbabawal sa mga Pilipinong mangingisda sa WPS kahapon, hindi alam ng karamihan na nakikipagbayanihan ang PCG sa humigit-kumulang 60 mangingisda.

Sakay sila ng limang bangka na naabutan ng PCG na mapayapang nangingisda sa BDM.

Kasabay ng pag-abot ng bigas at canned goods, kinamusta rin ng PCG ang kalagayan ng mga Pilipinong mangingisda, partikular ang kanilang karanasan sa pagpalaot sa WPS araw-araw.

Ayon sa mga nakapanayam na mangingisda, nananatiling sagana ang kanilang huli sa BDM — patunay sa yamang taglay ng nasabing katubigan.

Kinumpirma rin nila na wala silang naranasan na pang-a-abuso o pang-ha-harass sa gitna ng kanilang operasyon sa karagatan, kaya namang panatag sila na magiging ligtas ang kanilang pagpalaot.

Bago ipagpatuloy ang kanilang operasyon, nagpasalamat ang mga mangingisda sa PCG dahil ayon sa kanila, gumagaan ang kanilang loob tuwing nakikita ang mga puting barko ng Coast Guard na nagpapatrolya sa WPS.

Pinasalamatan din nila ang pagmamalasakit ng mga PCG personnel na personal na lumalapit sa kanilang mga bangka para mangamusta at magpaabot ng tulong.

Ang pagpapatrolya ng BRP Capones (MRRV-4404) at BRP Sindangan (MRRV-4407) sa WPS ay bahagi ng kanilang misyon sa ilalim ng Task Force Pagsasanay. Pinangungunahan ito nila Vice Admiral Oscar Endona, Rear Admiral Ronnie Gil Gavan, at Rear Admiral Allan Victor Dela Vega.

Ang PCG, sa pamumuno ni Commandant, Admiral George V Ursabia Jr, ay attached agency ng Department of Transportation (DOTr) na pinangungunahan nina Secretary Arthur P. Tugade at Presidente Rodrigo Roa Duterte.

Mungkahing Basahin: