Ang Labanan sa Alitao

alitao
Ang Labanan sa Alitao | @socsciclopedia via fb/OST Tayabas

Ang Labanan sa Alitao

Eksaktong 180 taon na ang nakararaan, naganap noong Nobyembre 1, 1841 ang isang malawakang pag-aalsa sa bayan ng Alitao, lalawigan ng Tayabas (ngayon ay Quezon), na itinuturing na panrelihiyong pag-aalsa laban sa pamahalaan at simbahang Espanyol sa Pilipinas, sa pamumuno ng nagtatag ng Cofradia de San Jose, si Apolinario dela Cruz, o Hermano Puli kung tawagin.

Matapos ang tagumpay ng mga kasapi ng Cofradia kontra sa mga Espanyol sa una nilang pag-aalsa noong Oktubre 1841, nagkampo sina Hermano Puli at mga tagasuporta niya sa bayan ng Alitao, at idineklara niya ang pagkakaputol ng ugnayan niya sa simbahang Katoliko, at pinagpugayan siya ng kanyang mga tagasunod bilang “Hari ng mga Tagalog”.

Sa utos ni Gobernador-Heneral Marcelino de Oraa Lecumberri, isang pulutong ng mga sundalong Espanyol mula Maynila sa pamumuno ni Koronel Joaquin Huet na aabot sa 1,000 ang ipinadala sa Alitao upang sugpuin ang pag-aalsa ng mga tagasunod ni Hermano Puli.

Samantala, sa pangunguna ni Hermano Puli, tiniyak niya sa mga tagasunod niya ang kanilang tagumpay dahil sa paniniwalang kasama nila ang Diyos, at bababa ang mga anghel upang tulungan sila sa pakikipglaban at bubuka ang lupa upang lamunin ang mga Espanyol. Mahigit apat na oras ang itinagal ng sagupaan sa pagitan ng mga kasapi ng Cofradia at mas malalakas na pwersa ni Koronel Huet.

Samantala, ipinag-utos ni Koronel Huet ang walang awang pagbaril sa daan-daang mga walang kalaban-labang kasapi ng Cofradia, lalo na ng mga matatandang lalaki at babae, maging ang mga bata. Wala ni isang anghel ang bumaba o pagbuka ng lupa ang nangyari.

Tinatayang 300 kasapi ng Cofradia ang napatay sa sagupaang iyon, kasama na ang mga minasaker ng mga Espanyol. Nakatakas naman si Hermano Puli at kanyang mga natitirang tagasunod, ngunit nahuli rin ni Koronel Huet sa Sariaya, Quezon. Makaraan ang ilang araw, hinatulan ng kamatayan si Hermano Puli at binitay noong ika-4 ng Nobyembre, 1841.

Mungkahing Basahin: